Tuesday, March 25, 2008

Bakasyon

Mula nung bata pa ako (di naman kalayuan pa yon), tuwing "mahal na araw" umuuwi kami sa La Union, probinsiya ng aking mahal na ina. Noon, kung hindi mga magulang namin ang kasama eh mga Auntie, dalaga pa silang lahat nun, ngayon may mga pamilya na din at dinadalaw na lang namin sila sa Baguio. Bahagi ng magandang alaala ng tag-araw ang bakasyon sa La Union. Kung saan libre ang paliligo sa dagat, pag-akyat ng bundok, pagsakay sa kalabaw at paragos, pag-akyat sa puno at pamimitas ng sinigwelas, mangga, kaimito, bayabas, sampalok at kahit kasuy, isama pa ang chesa (iks!). Mula elementarya hanggang hayskul lumang bahay ng lolo at lola ko ang aming tirihan sa tag-araw (bakasyon sa eskwela kaya naman simula mahal na araw eh naiiwan na kami doon, pero matagal na ang 3 Linggo, di kaya ng tatay ko na malayo kami sa piling nya eh, kaya kailangan naming umuwi din at di pwedeng tapusin ang bakasyon sa probinsiya). Maaliwalas sa bahay ng lolo, may malawak na bintana na yari sa kapis, yung parang bulwagan kung buksan. Sa isang silid meron pang bintana na di na pwedeng saraduhan kasi nakapasok na doon ang sanga ng chesa na nasa malapit ang puno, sayang, sana ibang prutas na lamang ang nakapasok doon. May malalaking pundasyon ang buong bahay, mala-posteng mga haligi, di ko matandaan kung ilan, pero marami iyon sa aking palagay. Animo dalawang bahay na pinagdikit ang kabuang bahay ng lolo, tila tulay ang nagdudugtong sa dalawang bahay. Ang isang bahagi ay naglalaman ng mga silid, sa aking alaala ay tatlong silid na malalaki, madalas na bawat pamilya ang natutulog sa bawat silid. Meron ding malawak na salas ang unang bahagi ng bahay. Ang isa pang bahagi ay matatagpuan ang isa pang silid para sa lolo at lola ko, naririto din ang kusina kung saan may malaking lamesa na may dalawang mahabang bangko. Meron ding batalan sa bahaging ito ng bahay, kung saan matatagpuan ang iba't ibang laki ng banga, ipunan ng tubig. Paborito ko ang batalan, makikita mo doon ang batya na parang malaking tansan ng sopdrinks, dalawang lata ng langis na ginawang timba na pinaguugnay ng kawayang may tali sa dalawang dulo (ano na nga bang tawag doon?), gamit ito sa pag-iigib ng tubig. Ito din ang bahagi ng bahay na walang gasinong bubong, kung ano lang ang abutin ng sobrang bubong ng pinaka-bahay. Kaya ko ito paborito, malamig kasi dito at ibig kong madalas na naghuhugas ng paa at kamay, ngunit kung panahon ng kainan, ayaw ko ang lugar na ito kasi ayaw kong maghugas ng pinggan. Sa dami kasi ng anak ng lolo at lola ko eh marami din kaming kumakain at siempre madami ding hugasan. Pero nakakaaliw ang pinggan at baso, di kagaya sa bahay namin, dito kahit na magdabog ako sa paghuhugas eh walang mababasag kasi sarten ang gamit nila, yung mala-arenola na klase. Nakakaaliw na pinggan at baso kasi kung mainit ang ilalagay mo eh kakailanganin mong magbalot ng tela kasi mainit din yung lalagyan. Kailangan ding matipid ka sa tubig sa iyong paghuhugas kasi may kalayuan ang poso o balon na pinagkukunan ng tubig. Nabanggit ko din bang may silong ang bahay na ito? At sa ilalim eh matatagpuan ang alagang baboy at manok ng lolo. Madalas maubos ang manok ng lolo pag nagbabakasyon kami, kasi itong kapatid kong si Bong eh hindi kumakain ng gulay kaya madalas syang ipagkatay ng manok, isa pa itong dahilan para pauwiin kami kaagad sa Laguna. Kasi kung magtatagal kami don, malamang pati baboy eh makatay kahit wala sa panahon. Noon din maraming tanim na pakwan sa bukid ng lolo, kaya naman nakakalat lang ang mga yan sa sahig ng kusina at maari mong kainin ang iyong kakayanin. Paminsan nga tig-iisa kaming mga bata, merong pulang-pula, meron ding medyo dilaw, minsan bilog na bilog, meron ding medyo bilog na pahaba. Ang sahig ng bahay ay kawayan na masinsin ang pagkakagawa kaya wala halos kawang na makikita, gawa sa kahoy ang mga dingding at yero na may talahib ang bubong. Ang mga gamit sa bahay ay puro kahoy din, gaya ng kabinet, katre at silya. Ang palikuran ay nakahiwalay sa bahay, nasa may medyo kakahuyan, isa lang itong kubo na pampalikuran lang talaga, walang ilaw kaya lahat ng pwede mong idumi eh tapusin mo na habang maliwanag pa, kung hindi, magtiis ka ng kinabukasan yun ay kung duwag ka sa dilim.

Tipikal na araw sa probinsiya, sa umaga, sasama ako sa lola ko sa palengke, doon na din ako mag-aalmusal ng kape at puto alsa, minsan bibingka o kaya tupig. Tapos pag-uwi namin sa bahay, habang nagsisimula nang magluto ang mga kababaihan sa kusina kaming mga bata naman eh abala sa labas at naglalaro. Taguan, tumbang preso, tayaang bata, kahit anong laro hanggang mapagod o abutin ng pananghalian. Pagkapananghalian, bawal munang maglaro, kailangang matulog muna at para mabilis makatulog, kukutuhan o kukutingtingin ang ulo ng mga bata hanggang sa makatulog. Tapos meryenda muna pagkagising at laro na naman o kaya mangungulit sa nagtatrabaho sa tabakuhan. Dati para di kami mangulit, binibigyan kami ng trabaho, papagtusukin kami ng tabako sa kawayan na gagamiting pambitin para sa pagpapatuyo ng tabako. Tapos ipapatas ang kawayan sa animo sampayan at iiwanan na doon sa isang kubo ang tabako hanggang sa matuyo ito. Yun din ang gamit na sigarilyo ng lolo, pero ang lola, ladicha ang sigarilyo at pabaliktad ang subo nya, yung may apoy ang nasa loob ng bibig. Makalipas ang ilang oras, kakain na naman, hapunan naman, tapos maglilinis ng katawan at sa sobrang pagod sa buong maghapong paglalaro eh maaga na ding makakatulog. Wala silang telebisyon doon pero may transistor na radyo at kadalasan nakakatulugan ko ang gabi ng lagim at simatar.....kinabukasan na ulit =) Ligo sa dagat, igib ng tubig, walis sa buong kabahayan, dilig halaman, laro, mangulit, sama sa palengke o sa bukid, kain, tulog, dalaw sa ibang bahay, tapos na naman ang araw....hay ang sarap!

Ngayong taon, umuwi ulit kaming buong mag-anak, di kagaya ng dati na ang aming aabutan sa bahay eh ang lolo, ngayon kasama namin sya sa pagbalik sa probinsya. Wala na ang dating bahay, dahil bahay na bato na, kagaya na rin ng nasa Lungsod ang bahay ni lolo, pero andon pa rin ang mga lumang gamit gaya ng kabinet, may natira pang isang banga pero wala nang tubig (baka halimaw na lamang), wala na din ang malatansang batya, buhay pa ang de kahoy na kalan. Meron nang gripo at palikuran sa loob ng bahay. Libre pa ring maligo sa dagat at may mga puno pa ding pwedeng akyatin pero kailangan mo nang magpaalam sa may-ari. Pero ang pakiramdam ng masayang tag-araw ay ganun pa rin. Masarap pa rin talagang magbakasyon sa probinsiyang kinalakihan ko na. Sana marami pang bakasyon ang gawin ng buo kong pamilya.

No comments: