Wednesday, January 13, 2010

Kwentong Marya

Mahigit tatlong dekada ang haba nang nalakbay ko sa buhay, at sa haba ng byahe, muntik ko nang malimutan ang mga dinaanan. Di ko na mabilang ang pagpapala ng Diyos sa buhay ko, kaya bago ko tuluyang mabura sa aking alaala eh nais kong isulat bilang pasasalamat.

Lumaki akong di naghihikahos, pero di din kami mayaman, buhay na natutugunan ang payak na pangangailangan. Maglalako ng kung anu-anong paninda ang Nanay ko at mangangahig ng suso naman ang Tatay ko. Anim kaming magkakapatid pero apat lang kaming nagpatuloy sa buhay, mahigit isang taon lamang ang natikmang buhay ni Marlon ang kakambal ni Manny. Ang bunso naman namin ang nagparanas ng masakit na bahagi ng buhay namin bilang pamilya ng mamatay sya sa edad na labing apat. Naranasan ko ang responsibilidad sa buhay nung mga nasa limang baitang na ako. Bilang panganay, ako ang tagapamahala sa bahay habang naghahanap-buhay ang aming mga magulang. Ako ang taga-laba, taga-linis, taga-plantsa at taga-alaga ng mga nakababatang kapatid. Di ko naranasang magluto, magaling kasing magluto ang Nanay at Tatay ko at yan ang ginagawa nila para samin.

Nung high school nagkaroon kami ng karinderia. Dito mas marami na akong kailangang gawin, di nalang taga-pamahala ng bahay, kasama na ang karinderia. Gigising ng madaling araw para mag-kudkod ng lamesa, bago matulog sa gabi maghuhugas ng mga kaserola na kalimitan mas mataas pa sa akin pag pinagpatas-patas, kaya siguro di na ako lumaki. Papasa akong domestic helper kung nag-apply ako ng panahanong yun. Natatandaan ko nun ang tipikal na araw ko lalo na pag Sabado eh maglalako ng ice candy ng mga alas nwebe, turon at bananaque naman sa alas tres at pagsapit ng ala sais balu’t penoy naman. Naiikot ko ang tatlong Barangay. Kakilala ko na ang mga pamipamilya sa bawat Barangay. Meron na akong mga suki. Ito din yung panahon na papasa din akong kargador, ako ang bumibili ng balu’t penoy na tinitinda ko, isama pa ang isang container ng lambanog na binibili ko sa palengke ng Jonson. Ito nga yung time na nakakasalubong ko ang mga kaklase kong lalaki nung hi-skul at ni hindi man lang ako tinutulungan, palagay ko ito na ang simula na ang tingin nila sakin eh kumpare kesa sa kaklaseng babae. Pero panahon din ito na malalaki na ang mga kapatid ko kaya katuwang na sila sa mga gawaing bahay. May taga-laba na kami, taga-saing, taga-patas ng kahoy, may taga-bomba na nang poso pag naghuhugas ng kaserola. Bago ako matapos ng hi-skul eh humina ang karinderia ni Nanay kaya di ako sigurado na makakatuntong ng kolehiyo. Sa isip ko kailangan kong mag-college kasi di mababago ang buhay ko pag sa Masili lang ako. Kaso kung aasa ako sa Tatay ko eh malamang di nga ako makapag-college. Kaya naman pagkatapos ko ng hi-skul eh nag-apply na ako ng trabaho. Plano kong mag-ipon at talagang pumasok pero wala naman akong kurso pang nasa isip. Pagka-graduate ko nagpatulong ang Tatay ko sa kumpare nyang si Col. Opeña para maipasok ako sa pabrika sa Calamba, nakapasok ako sa sub-contract ng Yazaki. Nakapag-trabaho din ako ng buong bakasyon. At masasabi kong talagang may nakaplanong mangyari sa buhay ko. Akalain mo ba namang sa isang pakikiramay eh magsisimula ang panibagong buhay. Nakipaglibing lang kaming magkakabarkada nun sa isang Nanay ng kakilala at sa aming pag-uwi eh nakita kami ng dating guro nung hi-skul, inalok nya kami ng form ng scholarship. Kami naman, wala din lang namang gagawin eh sige subukan. Kung matanggap eh di maganda, kung hindi naman eh ayos din, tutal naman nagtatrabaho na kaming pansamantala at balang araw eh mag-aaral din. Ipinasa namin ang mga papeles at kung may pagkakataong walang pasok eh inasikaso sa tulong ng teacher naming si Gng. Malabanan at Gng. Teodoro. Sila ang gabay namin hanggang sa maipasa ang aming papeles. Natatandaan ko pa....tinginingining….

Unang punta namin sa Kapitolyo ng Sta. Cruz, dala namin ang mga bagay na dapat ipasa, kami nina Liezel at Susie ang magkakasama. Sabi ng teacher namin sakay kami ng bus, bumaba sa kung saan nagbabaan ang mga tao at ang palatandaan ay may terminal ng tricycle sa babaan. Di pa ako pamilyar sa byaheng Sta. Cruz kasi ang byahe ko eh madalas na papuntang Calamba or Maquiling sa pa-Batangas.Pareho ng mga kasama ko, pero di bale sundin lang ang instruction ni teacher eh di naman na siguro kami maliligaw. Byahe kami, at sa kahabaan ng byahe, napagkwentuhan na namin ang mga trabaho namin, si Liezel sa garden ng Green and Grow, si Susie sa Shakeys at ako naman sa subcontract ng Yazaki. Tapos habang nagkukwentuhan biglang tumigil ang bus, may sinasabi yung kundoktor pero di namin maintindihan kasi ang ingay sa paligid. Nagbabaan ang mga tao at eto pa may paradahan ng tricycle sa isang kanto kaya naman naisip namin siguro ito na ang himpilan ng bus pero bakit puro puno ng niyog at parang baryo lang. Pero dahil tumpak sya sa deskripsyon ni Ma’am, bumaba kami kahit di kami siguradong ito na ang destinasyon namin, sabay tanong sa kundoktor…”Sta Cruz na po ito?”…”hindi pa, nasiraan lang tayo kaya lilipat kayo ng bus”…at yun na ang simula ng bagong pag-ikot ng buhay para saming tatlong magkaka-barkada.

Sa madaling kwento, napasama kami sa napakaraming bagong iskolar ng bayan. Salamat kay President Cory Aquino at Secretary Quisumbing, sa pamamahala nila nabigyan kami ng pagkakataong mabago ang aming mga buhay. At yun na nga dahil late na kami sa enrollment kung anong open na school nalang kami nag-apply at kung anong usong course nalang sa panahong iyon. LCBA ang open na school at BS Computer Science ang usong course…sige yun na, dun na tayo. Kaming tatlo ulit. Sa Processing palang ng scholarship hanggang sa pag-e-enroll sariling kayod na kaming tatlo or kaming tatlo ang nagtutulungan kasi ang mga magulang naman namin eh bukod sa abala eh malamang mahihirapan pang mag-asikaso. Natatandaan ko pa nga ako ang nag-apply ng tax exemption ng Tatay ko….hinahatid ko nalang ang papeles para sa pirma nya…ako ang naharap sa mga masusungit na kawani ng Pamahalaang Bayan ng Calamba. Kaya naman naipangako ko sa sarili ko kung ako ang magkakatrabaho..magiging mabuti akong tao sa opisina, san man ‘yon. Sisiguraduhin kong magiging matulungin ako….

Ayun na nga, nagsi-pagpaalam na kami sa aming mga bossing sa trabaho at natuwa naman sila kasi nga naman may mas magandang buhay kung magkokolehiyo kami. Napaka-buti ng Panginoon samin, alam nyang hindi sapat ang P1000 na book allowance sa buong semester na yun ha! At kahit pa sagot ng PESFA ang matrikula, ang mga pang-araw-araw na gastos gaya ng pamasahe eh kailangan naming bunuin or ihingi saming mga magulang. Dito na pumasok ang panibagong oportunidad. May kabarkada kaming nag-e-SA sa IRRI, si Dette, at sya ang naging susi para makapasok kami sa IRRI bilang Student Assistant. Bukod sa pagtugon sa mga pang-araw araw na kailangan, mas lumawak na ang aming mundo…para na kaming totoong nagtatrabaho…. At yun hanggang ngayon nasa IRRI ako.

Hindi pa naman ganun kaayos ang buhay namin…hindi nga ako estorya ng rugs to riches or at least rugs to middle class pero malayo na ang kaibahan ng buhay ko sa dati. Dati ang mundo lang sakin eh Masili, Manila na ang katumbas ng ibang bansa, Calamba or Los Baños naman ang Manila ko. Though bakasyunan ko na dati pa ang La Union at Baguio eh iba pa din ang nararating ko na now. Kaya naman madalas meron akong pakiramdam na parang naka-dalawang buhay na ako…hindi ko na kasi makita yung Mary Ann nayun…pero sabi nga, “ang nakaraan ang tulay tungo sa kinabukasan.” Napakabuti ng Diyos, napakaganda din ng pagpapalaki ng mga magulang ko samin. Sa ngayon, na-e-enjoy na ng mga pamangkin ko ang maayos na buhay. Nakaka-relax na si Mader at Pader, may mga family vacation na kaming nalalaman ngayon. Si Liezel, meron ng pamilya, Doña na nga ang tukso namin sa kanya. Si Susie din, may pamilya na at dahil nasa Cruise ship sya, madami na syang narating na bansa.....nakakatuwa lang. Eto na kami ngayon! Akalain mo ba!?

Ako, (sinimulan ko ito nung 2007 kong bday, ngayon ko lang natapos 2009 na)

9 comments:

May said...

hahaha naaliw ako sa kwentong marya mo! kahanga-hanga ka kasi nakaya mo lahat yun! sana nga lang e pinatikim mo kami ng turon at bananaque..hahahah..

sana patuloy ka pang magsulat..kahanga hanga!!

Marya said...

from my texter fan =) hehe (salamat....laging kang updated ha!)

Of all the things you wrote, I love Kwentong Marya and Bakasyon the most. I love Filipino essays, stories and movies. I love your life story. I love my friend.

Sheila Mae said...

aliw naman ng entry mo na ito. ano kaya ang susunod na kabanata (next 3 decades) sa buhay ni marya....abangan. ;)

MahalKitaAnak said...

nice mars...buti nagstart kang magkwento ng buhay mo..na encourage tuloy akong gumawa ng sa akin..kaya lang dapat may karugtong pa kase nabitin ako ganda ng story e pang MMK.hehehe..take care always and miss u!

Unknown said...

natawa at naiiyak ako sa mga kwento mo Marya....naalala ko ang mga nakaraan ..nung tayo ay wala pang muang sa mundo...hehehe...at dahil sa kwento mo napatunayan ko na sa sinapupunan palang e tunay na magkarugtong ang ating buhay...parte ako ng buhay mo at parte ka ng buhay ko....yan naiiyak nako (huhuhuhu)...thankful at tayo ay pinagpapala ng ating Panginoon at patuloy parin ang kwento ng buhay.... .excited sa susunod na kabanata ng kwento mo.....labya BFF :)

Ellen said...

congrats mary, for surpassing life's difficulties... and thanx for sharing it with us... nakaka-touch naman ang kwento mo... pero natawa ako sa title ng blog mo heheheh... anyway, im happy na naging parte ako ng buhay mo (although hindi mo naman ako nabanggit sa kwnto)... pero alam kong may bahagi ako don in one way or another, at marahil sa mga susunod pang kwnto baka extra na name ko heheheh... (kulit!) luv yah!

Joann Glorioso said...

dugtungan mo na, dali! yung ano na happenings mo ngaun.. bitin eh, hehehe i'm proud of you mary, sa narating mo at personalidad mo na bumabalik tanaw sa pinagmulan... mwah! :-x

ShElle said...

Ibang klase talaga ang talent mo sa pagsulat Mary. Isa kang inspirasyon!

Marya said...

comments from another friend thru OC, ang saya kasi ni-print pa nya yung post ko para mabasa nya..hehe i's so happy...at ito na ang ang comment nya:

Doctolero, Anna Christine (IRRI) [1:41 PM]:
nakakaiyak, pero mas nakaka-inspire ang kwentong marya.

(haha, mas mahaba pa pala yung intro ko kesa sa comment nya =P)